PINOY MABUHAY KA!
(Robshaun Cagurangan)
“Pinoy Mabuhay Ka” Sa t’wing paggising ko at nababasa ko ang karatulang ito na nakadikit sa silong ng double deck ng hinihigaan ko, wari’y ako ay nabubuhayan. Parang nagsasabi na meron ding bunga ang lahat ng aking pasakit at paghihirap.
“Meron nga kaya?” sa isip isip ko…. Marami ang nagsasabi na ako ay nabibilang sa napakaraming buhay na bayani…. Napakasarap pakinggan,…. Musika sa pandinig na kahit papano’y napapawi rin ang aking pagod at pagtitiis pero, pano nangyari yon?… Masasabi bang Bayani ang aking paghihirap? Pinagbubunyi ba nila ang aking pagpapakasakit?
Naalala ko tuloy nung akoy bagong salta pa lang dito sa Dubai, Visit ika nga nila… Araw araw ako ay lumalabas para humanap ng trabaho.. lumalabas baka sakaling swertehin… lumalabas at tinitiis ang napakahapding dapo ng haring araw sa aking balat… Gustuhin ko mang makapagpahinga man lang pero sa twing naiisip ko na papalapit na ang dalawang buwang taning ng aking Visa ay pilit kong kinukumbinsi ang sarili kong kailangan kong kumilos. Sa twing naalala kong wala dito ang aking mga kamag anak at mga magulang na siyang aking takbuhan sa tuwing ako ay nagigipit ay ako ay nanlulumo. Nanlulumo sa kadahilanang alam ko na ako ay magigipit pagdating ng aking exit. Saang kamay ng Diyos kaya ako makakakuha ng halagang kailangan ko sa aking exit? Minsan ay tanong ko sa aking sarili….
Dalawang linggo na lang ang nalalabi sa dalawang buwang takda ng aking Visa ngunit ang ipon ko sa pa extra extrang part time ay alam kong hindi pa sapat sa gagastusin ko. Visa, Tiket, at ang siguradong gastos sa hotel at pagkain ay ilan lamang sa napakaraming problema… Makakayanan ko kaya to? Oo kaya ko to…. Bida ako.. Bayani ika nga ng mga tao sa bayan ko…. Iniisip ko na lang na ang bida kawawa sa simula. Binubugbog, pinapahiya, kinakawawa…. Natatawa na lamang ako sa aking sarili sa twing naiisip ko to dahil alam kong niloloko ko lamang ang aking sarili.. Hindi naman ako si Sharon Cumeta si Claudine Barreto o si Judy Anne Santos na mga bida at parati na lamang lumuluha… mga bida sa pelikula binubugbog at kinakawawa. Pero hello! Buhay ko na to at di ito basta na lamang ihalintulad sa kung anumang kathang isip na nagbibigay ng maling paniniwala. Buhay na kailangang aking desisyunan at desisyon na kailangang aking pag isipan.
Hanggang dumating na ang takdang araw na syang aking kinatatakutan… ang aking exit. Alas dos ng hapon, oras ng aking flight papuntang Kish Island, Iran upang mabigyan ulit ng Visa na syang kailangan upang manatili pa rin ako dito sa Dubai, visa na syang pinuntahan lahat ng aking kinita sa pagpapart time. Pagpila palang sa Departure sa Terminal 2 ng airport ay napansin kong puro pinoy ang aking makakasama. Napakarami kong nakilala. Anjan si Jack, si Ferdie, si Karen at ang Bakla na si Pia na sobrang saya at excited sa pagbabalik nya sa Kish, Fiesta ika nga nya. Naiisip ko tuloy bida rin kaya sila? Sino kaya sila sa pelikula? Si Vhong ba na nagpapatawa, si Pokwang na nakakatuwa o sila rin ba sina Robin Padilla, Bong Revilla o si Judy Anne Santos na Binubugbog, pinapahiya, kinakawawa… sa aking naisip ay iiling iling na lamang akong naglakad bitbit ang aking ilang ternong damit na gagamitin sa kish. Ah tama na ang problema nanamnamin ko na lamang ang aking magiging bagong karanasan sa KISH… a new journey to remember sa isip isip ko…
Mahigit isang oras lamang ng byahe ay nakalabas na agad kami sa Kish airport. gustuhin ko mang maging masaya sa animoy pagiging bakasyunista pero sa twing naiisip ko na hindi sapat ang baon kong pera ay parang gusto ko na uling sumakay sa eroplanong aking sinakyan pabalik ng Dubai. Pero alam kong hindi pwede…. bitbit ang aking maliit na bag ay lulugo lugo akong sumama sa agos ng mga pinoy palabas ng Airport. “P’re, saan ka?” Tanong ni Raymond isa sa mga kababayang nakilala ko na hindi ko napansing palapit sa akin. Siguro dahil sa sobrang pag iisip… “Di ko nga alam pare e…Bahala na..” Sabay lakad na animo’y alam kung saan paroroon. Bahala na….. tagal ko na ring hindi nagagamit ang salitang yun a sa isip isip ko….. hindi ko pa rin talaga maikakaila ang aking ugaling Pilipino ugaling bahala na…
Pagkatapos kong maipadala ang tatak ng aking passport na siyang tanda ng aking pag exit sa agency na aking nakuhanan ng visa ay sumama na rin ako sa grupo ng mga pinoy pasakay ng Bus. Sa Farabi 1 kami hinatid ng Bus na yon din ang aking pinili dahil na rin sa mga kwentong aking naririnig sa eroplano pa lamang. Maganda raw dito parang pinas din, pinas dahil halos lahat ng mga umuukopa ay mga kabayan na kung meron mang ibang lahi ay di ko mapigilang mamangha dahil napakatatas magsalita ng wikang tagalog. Marahil ay sa kadahilanang ang Hotel ay mistula ng pugad ng mga pilipinong kailangan mag exit na kagaya ko. Apat kaming umuokupa sa kwartong aking napuntahan na lahat ay agad kong nakagaanan ng loob dahil sa mainit na pagtanggap nila sa akin. Si Jethree na dalawang linggo na raw sa Kish nag aantay na lamang daw ng kanyang employment visa na kung kelan darating ay di rin daw nya alam. Si Earl na dalawang araw pa lamang at di man lang nakikitaan ng pag alala kung kelan darating ang kanyang visa, marahil ay nasanay na rin dahil sa makailang ulit na raw na makapag exit. At si Daniel, mahigit isang linggo na sa Kish na katulad ko ay first time mapapunta sa Exit. Dalawang Linggo, isang linggo at Dalawang araw, ako ilan kaya? Sa tuwing naiisip ko ito at ang bayad sa Hotel na tinuluyan ko ay di ko mapigilang magdasal na sana ay hindi ako umabot ng kahit dalawang araw sa Kish. Alas otso na ng gabi at tapos ko nang ayusin ang aking mga gamit.. oras na ng pagtulog sa isip isip ko…. Matutulog ka na pare? tanong ni Daniel… tumango ako sabay upo sa aking kama tangan ang aking Sydney Sheldon na baon pa mula pinas… Anu ka ba pare… Simula pa lang ng kasiyahan dito sa Kish!… wika ni Jethree na siyang pinakamaligalig sabay pilit akong inaaya upang sumama sa sinasabi nilang unforgettable nights sa Kish. Dahil na rin sa pamimilit ni Jethree ay sumama na rin ako sa kanila. Ayaw ko man dahil sa sandaling lalabas ako ay gastos na naman ang mangyayari. Na syang aking iniiwas iwasan….
Isa, dalawa, tatlong araw na ang nakalipas ngunit ang aking inaasahang Visa ay di pa dumarating. Unti unti ko na ring nararamdaman ang pagkaubos ng aking pera na siyang dahilan ng aking pagkabahala. At ang suliraning ito ay aking nai kwento kay Jethree alam kong pareho lamang kami ng suliranin pero dahil sa kagustuhan kong mailabas man lang ang aking dinadamdam at ng maibsan man lamang ito ng kahit kaunti. Ngunit ako ay tinawanan lamang ni Jethree at sinabing hindi naman dapat problemahin ang pera pag nasa Kish at marami pang mungkahi na aking ikinagulat. Sa aking pag iisa ay ang mga mungkahi pa rin ni Jethree ang nasa aking isipan at ito ay sadya pang bumabalik balik pa sa aking isipan na wari’y sinasabing bakit nga ba hinde?
Ang tatlong araw kong pagbibilang sa pamamalagi sa kish ay nagtuloy tuloy at di ko man lang namalayang mahigit na pala akong isang linggo rito. Kung tutuusin ay achievement na ito para sa kin dahil nakaraos ako sa pang araw araw na kailangan. Nakaraos din sa pagsama sa ibang mga kabayan sa pamimingwit ng mga isda na syang nagsilbing pamatid gutom at ang pag iwas sa mga lakaran at pag shi shisha pag gabi. Ngunit ngayo’y alam kong dumating na rin ang aking hangganan at sampung dirhamo na lamang ang aking pera. saan kaya ako makakapunta sa pera kong ito? Naisip ko tuloy yung mga mungkahi ni Jethree na syang nagdala sa aking kinalalagyan ngayon….
….Nasa dilim ninanamnam ang pait at ligayang dulot ng mungkahi ni jethree. Mungkahing makakapabigay ng panandaliang pampatid sa aking pangangailangan. …..Nasa dilim na wari’y nilalasap ang kaligayahan ngunit may bakas ng luha na di ko namalayang dumadaloy sa aking mga mata.
Dalawang linggo na akong namalagi sa Kish at mahigit isang liggo na rin ang aking pamamalagi sa dilim…. Dilim na naging kanlungan ng aking mga hinanakit at dilim na naging saksi ng pagpapakasasa ng mga kalahi ni Pia na kung ilarawan nya ay Fiesta….
Isang linggo pa ang nakalipas at dumating na rin ang aking pinakaaantay na Visa. Agad akong nagpa book sa kagustuhang lisanin sa lalong madaling panahon ang lugar na natutunan ko na ring isumpa. Paglisan kasama ng aking pagdarasal na sana ay di na ako muling bumalik sa lugar na ito.
Apat na taon na ang nakalipas ngunit nananariwa pa rin sa aking mga alaala ng aking karanasan sa Kish. Karanasang sa tingin ko ay nagkaroon ng malaking lamat sa aking pagkatao. Oo… maganda na ang aking katayuan ngayun… ngunit hindi ko man lang matutunang ipagmalaki ang bunga ng aking mga pagpapakahirap. Naibibigay ko na ang mga pangangailangan ng aking pamilya sa pinas, bayani na ang tingin sa akin ng pilipinas iyon ay dahil sa may kakayahan na rin akong magpadala sa pinas At sa bawat padala ay may katumbas na pera para sa bayan Tax ika nga.
Ako ay isa lamang sa milyong OFW na kung tagurian sa ating bayan ay isang bayani… hindi kaila sa mentalidad ng mga kababayan natin na kapag sinabing abroad ay swerte… buhay langit… marahil ito ay sa kadahilanang ang OFW ay ang may pinakamalaking kontribusyon sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa na syang nalilikom nila sa bawat dolyar na padala ng milyun milyung pinoy sa ibat ibang bahagi ng mundo….. Dolyar, pera, at karanasang makatapak sa ibang bansa…. Kakainggit…. Ngunit sa sandaling malaman mo na ang bawat dolyar o perang padala ay ang paghihirap na katumbas bukod pa sa pangaaping nararanasan naming mga OFW maiinggit ka pa kaya? Ako, sa t’wing naiisip ko ito… ang tanong ko.. dapat ba akong kainggitan?…. marahil ay hindi… maswerte lang ako dahil me baon akong lakas ng loob para makibagay. Lakas ng loob na iwan ang bansang kahit anung hirap ay masasabi kong aking mahal…. PILIPINO ako… mahal ko ang bayan ko. BAYANI….. maari ngang ako ay kabilang sa maituturing na bagong bayani… hindi man ako si Rizal na syang ating pambansang bayani o dili kaya si Aguinaldo na syang nagbigay ng kalayaan sa mga pinoy ngunit ako ay bayani dahil isa ako sa nagbibigay kontribusyon sa pagunlad ng ekonomiya ng Pilipinas.
2 Comments
Comments RSS TrackBack Identifier URI


I just want to know what life in Kish is and what is that unknown part of nightmare in the dark that Kish has brought into you life.
gosh, shaun u made me cry with those experiences uve bin thru in kish… puta!!! wag k ng bblik don ha? i love you bespren….. ingat k jan plgi ha? keep in touch… may god always be with you…